Papaspas Ang Express
FREETHROWS Ni AC Zaldivar
Pilipinon Star
Monday, October 8, 2007
Marahil ay dadaanin na lang talaga ng Air 21 sa santong paspasan ang laban sa 2007-08 season ng PBA.
Ito’y bunga ng pangyayaring tanging si Homer Se ang legitimate center na natira sa kanilang poder. Sabihin na nating na-retain pa rin sina Ryan Bernardo at Mark Andaya, pero hindi naman dominante na big men ang mga ito.
Kumbaga’y si Se na lang ang lalaban nang husto sa pagkuha ng rebounds dahil siya na ang beterano dito.
Malaking bagay sa Air 21 ang pagkawala ni Mark Clemence Telan na ipinamigay nila sa Coca-Cola Tigers. Kasi nga’y halos double-double ang average nito sa scoring at sa rebounding.
May nagsasabing big men din naman sina JC Intal at Doug Kramer na nasungkit ng Express sa first round ng Draft pero hindi sila kasingtangkad at kasing laki ng katawan ng sentro ng ibang teams. Puwede din sana nilang mapakinabangan sa pagkuha ng rebounds ang isa pang first round pick na si Yousif Aljamal subalit ipinamigay ng Express ang dating San Beda Red Lion sa Talk N Text Phone Pals.
Marahil ay mapipilitan na ngayon si Ranidel de Ocampo na maglaro sa loob nang mas madalas kaysa sa tumira sa labas upang punan ang pagkukulang ng Air 21 sa rebounds. Kahit paano’y inaasahan ng lahat na mag-improve ang game ni De Ocampo pagkatapos na maging bahagi ito ng National Team na naghanda para sa 2007 FIBA Asia Men’s championship bagamat hindi siya napasama sa official line-up sa Tokushima, Japan.
Pero kahit na ganito pa ang nangyari sa Air 21, marami pa rin ang nagsasabing hindi sila pwedeng balewa-lain ng siyam na iba pang teams na kalahok sa torneo. Kasi nga, sanay namang sumabak sa giyera ang Express kahit na nakukulangan sila sa sandatang matindi. Iba rin ang pusong ipinapakita nila. At iba rin ang nagiging paggiya sa kanila nila coach Dolreich “Bo” Perasol na siya pa ring magiging head coach nila matapos na hindi na makuha ng Air 21 si Robert Jaworski, Sr.
At saka kahit n medyo maliit ang mga players ng Air 21, aba’y high-leapers at very athletic ang mga ito. Nandiyan pa naman ang mga tulad nina Arwind Santos at Nino Canaleta na manipis subalit matinding umiskor at kumuha ng bola.
Kahit na sinong ibang coaches ang tanungin mo, tiyak na sasabihin nilang kinatatakutan pa rin nila ang Air21 dahil sa napaka-unpredictable ng Express.
Kumbaga, tuwing papasok ng hardcourt ang Air 21, laban lang nang laban ang Express na parang walang pressure. Yun ang maganda sa kanila, e. Dahil palagi silang underdog, buong-buo ang kanilang konsentrasyon. Kapag natalo sila, okay lang. Kapag nakasilat naman sila, aba’y mas maraming umiiyak!
No comments:
Post a Comment